Bakit si Leni ang Dapat Iboto?

Vice President and presidential hopeful Leni Robredo and former senator and presidential aspirant Ferdinand

Source

Ngayong halalan 2022 ay may dalawang kandidato ang kadalasang pinagtatapat. Ito ay walang iba kundi sina Leni Robredo at Bongbong Marcos. Nawa’y matulungan ng akdang ito ang sinumang hindi pa nakakapag-desisyon kung sino nga ba ang tunay na deserve ang kanyang boto. 

Si Leni Robredo ang pinaka-mahusay na kandidato sa pagkapangulo at itatala ko sa baba ang mga rason kung bakit siya ang nararapat na maging susunod na pangulo ng ating bansa.

Sino si Leni Robredo?

Si Maria Leonor “Leni” Gerona-Robredo ay tubong Naga City, Camarines Sur. Siya ay nagtapos ng kursong BS Economics sa Unibersidad ng Pilipinas at kumuha ng abogasya sa University of Nueva Caceres sa Naga. 

Hindi na bago sa serbisyong pampubliko si Leni kahit bago pa man siya pumasok sa pulitika. Siya ay naging abogado sa ilalim ng Public Attorney’s Office (PAO) noong 1997-1999 at naging bahagi ng Sentro ng Alternatibong Lingap Panligal o SALIGAN Bicol Chapter noong 1999-2012. Ang SALIGAN ay isang NGO na nagbibigay ng legal na payo at tulong sa iba’t ibang sektor ng lipunan, tulad ng mga kababaihan, magsasaka, mangingisda, manggagawa, urban poor, katutubo at mga lokal na komunidad.  

Taong 2000 nang ginantimpalaan si Leni Robredo ng Ramon Magsaysay Award, na tinatayang katapat sa Asya ng prestihiyosong Nobel Peace Prize. Ang mataas na pagkilalang ito ay ibinibigay sa mga Asyanong may malaki at kapaki-pakinabang na naiambag sa lipunan.

Bakit tumatakbo si Leni?

Kilala bilang Mayor ng Naga City at dating kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang may-bahay ni Leni Robredo na si Jesse Robredo. Si Leni ay hindi lang opisyal sa gobyerno kundi ina din ng tatlong anak na sina Aika, Tricia at Jill. Si Jesse ay nanungkulan bilang Mayor ng Naga mula 2001-2010 sa loob ng 6 na termino. Nahirang siya na mamuno sa DILG noong 2010. 

 

Ma. Leonor “Leni” Gerona Robredo

Source

Pagtakbo bilang Congresswoman

Nag-udyok kay Leni Robredo na tumakbo noong 2013 bilang kongresista sa Camarines Sur ang mga sumusuporta sa kanyang asawa matapos nitong mapayapa. Siya ay nanalo sa halalan at nagawang patalsikin ang 40 taong political dynasty ng mga Villafuerte sa kanilang distrito. 

Halalan 2016

Tumakbo bilang Ikalawang Pangulo si Leni Robredo noong halalan 2016. Dito unang nagkaharap ang ngayong magkatunggali muli na sina Leni Robredo at Bongbong Marcos. Bagama’t ilang linggo bago ang eleksyon lamang nagawang manguna ni Leni Robredo sa mga voters’ survey, nahalal sa posisyong Bise-Presidente si Leni Robredo. 

Sa isang mahigpit na laban, nalamangan ni Leni si Bongbong ng mahigit sa 260,000 na boto sa pagka-bise presidente. Naghain ng reklamo si Marcos patungkol sa resulta na dinismiss din ng Korte Suprema noong 2021.

Inspirasyon Ngayong Halalan 2022

Noong inihayag niya ang kanyang kandidatura, nasabi niya na ang rason sa kanyang desisyon ay ang pagtakbo ni Bongbong Marcos sa parehong pwesto at ang di-matagumpay na unification kasama ang iba pa niyang kandidato.

Nasabi rin ni Leni sa isang debate na tumatakbo siya upang malabanan ang malawakang disinformation at historical revisionism patungkol sa panahon ng Martial Law sa ilalim ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Sa pagtakbo bilang Kongresista naging inspirasyon ni Leni ang kanyang namayapang asawa na opisyal din ng gobyerno na si Jesse Robredo. Wala sa isip niyang magkamit ng mataas na posisyon ngunit dahil sa suporta ng kanyang mga ka-partido ay tumakbo siya bilang bise-presidente. 

Kung titingnan ang kanyang pinagmulan, si Leni Robredo ay laki sa isang simpleng pamilya at hindi mula sa isang mayamang angkan o political dynasty. Simula’t sapul at lalong-lalo na ngayong halalan 2022, tumatakbo siya muli laban sa political dynasties, at para sa isang tapat, epektibo at inklusibo na pamahalaan.

Ano ang Plataporma ni Leni?

Maaaring naririnig niyo na sa kalsada o sa social media ang mga kataga o hashtags na #GobyernongTapat at #AngatBuhayLahat. Ano nga ba ang ibig-sabihin nito at papaano ito isasakatuparan ni VP Leni?

Si VP Leni din ang unang naglabas sa madla ng kanyang plataporma kung saan hangarin niya na magkaroon ng “Hanapbuhay Para sa Lahat”. Nais nitong masolusyunan ang mga problema sa lipunan tulad ng kahirapan, kawalan ng trabaho at income inequality.

Malinis at Tapat na Pamahalaan

Isang #GobyernongTapat ang ilulunsad ni Leni upang mapanumbalik ang tiwala ng tao at mga negosyante sa gobyerno. Sa ilalim ng tapat na panunungkulan ay pananagutin ang mga tiwaling opisyal at bibigyan ng kaukulang halaga ang nakasaad sa saligang batas. Sa #GobyernongTapat, magiging mataas ang tingin sa gobyerno at mae-engganyo ang mga negosyante na mamuhunan sa ating bansa.

Export-Oriented at MSMEs

Nais ni Leni na bigyang-pansin ang sektor ng manufacturing at mga negosyanteng Pilipino na kabilang sa Micro, Small and Medium Enterprises o MSMEs. Naniniwala si VP Leni na masosolusyunan natin ang mataas na utang ng Pilipinas kung tayo ay hindi isang bansang import-dependent lamang.

Teknolohiya, Kalikasan at Edukasyon

Prayoridad ni Leni na magiging sentro ang bansa ng mga serbisyong may kinalaman sa Information Technology-Knowledge Process Outsourcing (IT-KPO). Ang sektor ng agrikultura at maritime ay paiigtingin din upang maging climate-resilient. 

Sinusuportahan niya ang public private partnerships (PPP) at pag-digitize ng mga operasyon sa gobyerno. Bibigyan niya din ng sapat na pondo ang sektor ng edukasyon na 5% ng gross domestic product (GDP) o higit pa sa doble ng kasalukuyang pondo. Ito ay gagamitin sa pagpapahusay ng kalidad ng edukasyon, lalong-lalo na sa STEM (science, technology engineering, mathematics).

COVID-19

Upang paigtingin ang kalidad ng healthcare sa bansa ay pinangako ni Leni na dodoblehin ang pondo sa sektor ng kalusugan na gagamitin sa pagdadag ng kama at equipment sa mga ospital.

Bilang pagpapahalaga sa ating mga medical frontliners, sisiguraduhin ni VP Leni na sila ay makakatanggap ng nararapat na sahod at benepisyo. Isasaayos din ang shifting ng mga doktor at nars upang makapagpahinga at maalagaan ng mga ito ang kanilang sariling kalusugan. Sila din ay magkakaroon ng hazard pay, paid sick leaves, medical insurance at allowance para sa transportasyon at pagkain.

 

Leni Vows To Fill Cabinet With Experts, Good Managers

Source

Gusto ni VP Leni na paigtingin ang coronavirus testing at contact tracing. Maghihirang din siya ng mas kakaunti ngunit mahuhusay na mga eksperto sa pandemic task force upang mapabilis ang pagde-desisyon nito.

Karapatang Pantao

Pagdating sa iligal na droga, si Leni ay magsasagawa ng holistic na approach at magpopokus sa prevention at rehabilitasyon, kaysa sa paghuli lamang ng mga suspek. Gusto niyang baguhin ang pamamalakad sa task force ukol sa droga na gumagamit ng red-tagging, imbis na solusyunan ang problema ng iligal na droga.

Social Services 

Magtatabi ng P216 billion para sa national ID system. Ang mga small businesses na tinamaan ng pandemya ay bibigyan ng hindi kukulang sa P100 billion na stimulus package. Isang National Unemployment Insurance Program din ang gusto niyang buuin na magbibigay ng 80% na sahod sa mga manggagawang natanggalan ng trabaho.

May mga Resibo ba si Leni? 

Totoo nga bang maraming nagawa at ginagawa si VP Leni? Hindi lang sabi-sabi kundi maraming ebidensya na si Leni ay isang matapat at mahusay na lider sa gobyerno. Kitang-kita ito sa kanyang mga “resibo” o mga patunay ng mga nagawa niya mula noon hanggang sa ngayon. 

Mataas na COA Rating

Ang Office of the Vice President (OVP) sa ilalim ng kanyang pamumuno ay nakakakuha ng mataas na audit rating mula sa Commission on Audit o COA. Binigyan sila ng “Unqualified Opinion” ng COA na siyang pinaka-mataas na rating na ginagawad sa anumang ahensya ng gobyerno at nakamit ito ng OVP sa tatlong magkasunod na taon ng 2018, 2019 at 2020. Ibig-sabihin ang OVP ay may maayos na sistema pagdating sa paggasta ng pondo ng bayan. 

Maliban dito, may sertipikasyon mula sa International Organization for Standardization (ISO) ang OVP. Ang ISO certification ay epektibo sa loob ng 3 taon at nagpapakita na ang serbisyo at sistema ng OVP ay dekalidad. Ang unang sertipikasyon ay noong 2017 pa at muling nakuha ito ng OVP nitong 2021, panahon na naranasan din natin ang pandemya. Patunay ang mga ito na dekalidad and serbisyo ni VP Leni at sinisiguro niya na maingat at naaayon ang paggasta ng pera ng bayan.

Tugon sa Pandemya at Kalamidad

Maraming nagawa ang OVP bilang tugon sa COVID-19 simula pa noong 2020. Mayroong swab cab project para sa mga lugar na mataas ang hawahan ng coronavirus at meron ding libreng online consultation upang mabawasan ang mga taong kakailanganing magpa-ospital. Ginamit din niya ang kanyang palabas sa radyo upang magbigay-impormasyon sa masa tungkol sa coronavirus. 

Naglabas ng P45 milyon na pondo ang OVP para sa extracton at detection kits samantalang P11 million ang inilaan para sa antigen test kits. Meron ding Vaccine Express Project upang mapabilis ang vaccination drive sa mga lokal na komunidad. 

Ang parsyal na pondo at donasyon na natanggap ng OVP kaugnay sa COVID-19 response ay nasa ibabang infographic. Makikita din kung saan napunta ang pondo tulad ng ng PPEs at food and packages na pinamahagi sa mga ospital at komunidad noon. Ang mga datos ay naitala noong April 30, 2020.

Source

Mabilis din ang aksyon ni VP Leni sa tuwing may kalamidad. Sa isang presidential debate, nasabi niya na importante ang pag-responda at dapat on-site agad sa mga naapektuhang lugar sa loob ng 72 oras. Halimbawa nito ay ang mga relief efforts sa Bohol at Dinagat Islands na tinamaan ng Bagyong Odette noong 2021. Sumaklolo din si Leni sa Batangas noong naga-alburoto ang Bulkang Taal at sumailalim sa Alert Level 3.  

 

Source

Bago pa man ang pandemya ay lagi nang pumupunta sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad ang bise-presidente. May mga panahon din na ang kanyang opisina ay ginagamit bilang repacking center ng mga relief goods. Marami talagang ebidensya na hindi lang sa mga presidential debate, kundi lalong-lalo na sa panahon ng paghihirap ng mga Pilipino ay tumutugon agad si VP Leni.

Angat Buhay Program 

Kilala din ang Angat Buhay Program na inilunsad ng OVP simula pa noong 2016. Tinatayang 622,000 na pamilya ang natulungan nito kung saan gumasta ng P520 million na karamihan pa ay donasyon mula sa pribadong sektor. Layunin nito na mapababa ang kahirapan sa bansa, kung saan 372 organisasyon ang kasama sa proyektong ito. 

Authored Bills

Bilang kongresista, maraming isinulat na house bills si Leni. Ilan sa mga kilala ay ang Full Disclosure Policy Bill, Anti-Discrimination Bill at Anti-Dynasty Bill.

Ang Full Disclosure Policy Bill ay nagre-require sa mga opisyal ng local government units (LGUs) na ilabas ang kanilang financial statements upang masuri ng mga mamamayan at maiwasan ang korupsyon. Ang Anti-Discrimination Bill naman ay naglalayon na maprotektahan ang mga kasapi ng LGBTQ+ community mula sa anumang kapahamakan dahil lamang sa kanilang kasarian. Huli, ang Anti-Dynasty Bill ay panangga laban sa korupsyon o mababang kalidad ng pamumuno na mula sa mga umiiral na political dynasties sa bansa. 

Tiwala kay Leni

Ang laban ni Leni ay umaarangkada na at maraming tao mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan at maging mga kilalang personalidad ang naghayag na ng kanilang suporta para sa kandidato. Nang tumakbo si VP Leni sa posisyon ng pagka-pangulo ay pinili niyang maging independent candidate kaysa maging bahagi ng Liberal Party. Paraan niya ito upang ipakitang bukas ang loob niya sa kahit sino o anumang partido. Hindi siya titingin sa kulay ng mga pulitiko kung siya man ay mahalal na lider ng bansa. 

Bilang independent na kandidato ay ginamit ni Leni ang kulay pink sa kampanya. Ang mga sumusuporta sa kanya ay tinaguriang “kakampink” na pinaghalo ang mga salitang “kakampi” at “pink”. May mga People’s Rally para kay Leni na nakapagtala na ng mahigit sa 100,000 ang nakiisa na makikita sa infographic sa baba.

 

Image

Source

May mga kilalang personalidad din sa showbiz ang nagpakita na ng suporta kay Leni. Ilan sa mga artistang ito ay sina:

  • Angel Locsin
  • Kris Aquino
  • Ogie Alcasid
  • Piolo Pascual
  • Cherry Pie Picache
  • Vice Ganda

 

Television show host Vice Ganda raises the hand of Vice President Leni Robredo as a gesture of endorsement before a record crowd of 412,000 in Pasay City on Saturday night. STORY: More celebrities pitch for Leni in record-breaking Pasay rally

Source

Marami ding organisasyon ang nagsalita na tungkol sa kanilang napupusuang kandidato sa eleksyon. Ilan lamang sa mga ito ay ang:

  • Administrasyon ng mga dating pangulo tulad nina Fidel V. Ramos, Gloria Macapagal Arroyo at Noynoy Aquino
  • 150+ na abogado at advocates ng pagsulong ng karapatang pantao
  • Mga retiradong opisyal mula sa AFP-PNP
  • 700+ medical frontliners mula Cavite
  • 1000+ na faculty ng De La Salle University (DLSU)
  • Couples for Christ International Council
  • Philippine Bar Council
  • 4 na babaeng lider ng indigenous people (IP)
  • 200+ na dating miyembro ng United Nations (UN)

 

Ilang araw na lang bago ang halalan sa May 9 at mas umiinit pa ang suporta para kay VP Leni. Si Leni ay tumatakbo para mapabuti ang buhay ng masang Pilipino at aktibo niyang tinutulan ang paghahari ng mga political dynasties, bulok na sistema ng korupsyon, at mabagal at di-epektibo na pag-aksyon sa mga importanteng problema ng bansa.

Madalas na binabanggit ang malinis na track record at mga resibo ni VP Leni. Kahit na madalas pinupukol ang bise-presidente ng fake news sa social media ay marahan niyang tinatama ang mga maling paratang. Maraming tumitingala sa tapang at pagiging propesyunal ni VP Leni sa pagharap ng mga isyu sa pulitika. 

Ipanalo natin si Leni ngayong halalan upang makita natin ang isang #GobyernongTapat kung saan #AngatBuhayLahat. 

Leave a Comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.