Mga Sintomas ng Pagbubuntis at Kailan Sila Nangyayari

Source: Pexels

Mga dalaga’t binata pa lamang tayo ay paulit-ulit nang pinapaalala ng mga matatanda na nagdudulot ng pagbubuntis and sex. Pamilyar ang mga nanay sa konsepto ng pagdadalang-tao, ngunit paano kung tayo ang dadaan doon? Natural lamang na mag-alala tayo sa kaba dahil hindi natin alam kung gaano kahirap o kasakit ang magiging proseso. Pero bago ang lahat, ano nga ba ang mga senyales ng pagbubuntis?

Mga Sintomas Ng Buntis

Sa first trimester o unang tatlong buwan tipikal na nararanasan ang mga sintomas ng buntis. Ito ay dahil naninibago ang katawan sa hormones na dulot ng proseso ng pagbubuntis.

Maiging tandaan na iba-iba ang paglabas ng sintomas sa bawat babae. Hindi lahat ay nakararanas ng malalang pagbabago, at hindi rin lahat ay pareho ang linggo o buwan ng pagpapakita ng sintomas. Maaaring sa iba ay may pagbabago na agad sa katawan nila sa unang linggo pa lamang. Habang posible ang iba na magpakita ng sintomas sa ibang linggo ng pagbubuntis.

Ito ang ilan sa mga kadalasang senyales ng pagbubuntis:

Week 1

Nagsisimula ang mga doktor sa pagbibilang ng linggo ng pagbubuntis mula sa unang araw ng huling period. Ang ibig sabihin ay hindi pa talaga opisyal na buntis ang isang babae sa unang linggo.

Ibig sabihin din ay wala pang sintomas na lalabas sa linggong ito. Ang mararanasan lamang ng mga babae ay ang tipikal na mga epektong dala ng regla. Ilan dito ay ang pananakit ng puson at ibabang parte ng likod.

Week 2

Nagaganap ang ovulation sa ikalawang linggo, o mahigit-kumulang pitong araw mula sa unang araw ng regla. Ang ovary ay maglalabas ng mature egg na pupunta sa fallopian tube kung saan hihintayin nito ang sperm na magfe-fertilize sa kanya.

Ilang mga mararanasang pagbabago sa katawan ay ang pagkakaroon ng mas makapal na discharge na halintulad sa puti ng itlog. Maaari rin makaranas ng kaunting pagkasensitibo ng suso, pananakit ng puson, pagnanais makipagtalik, at pagbabago ng cervix.

Week 3

Kapag na-fertilize na ng sperm ang egg ay tatanim ito sa uterine lining. Dahil dito, may ilang babae na makararanas ng pananakit ng puson at spotting o kaunting pagdugo. Ang spotting na ito ay tinatawag na implantation bleeding.

Source: Pexels

Week 4

Sa linggong ito tipikal na tatama ang unang pag-miss ng regla. Dito na rin unang nakikita ang sintomas ng buntis na babae dahil sa pagbabago ng hormones sa katawan.

Maaaring makaranas ng pagkasensitibo ng suso, pakiramdam na parang busog, pagod, at pabago-bagong emosyon.

Week 5

Ang linggong ito ang simula ng pananatili ng mga sintomas ng pagbubuntis. Dito na magsisimulang tumagal ang mga palatandaan ng pagdadalang-tao gaya ng mood swings at madaling pagkapagod.

Sa ikalimang linggo rin ay makasisigurado ka na buntis ka.

Week 6

Sa ikaanim na linggo tipikal na lumalabas ang mga pinakamalalang sintomas. Ilang mga epekto ng pagbubuntis ang:

  • Matinding pagod
  • Matalas na pang-amoy
  • Paghanap at pag-ayaw sa pagkain
  • Pagsusuka at paghihilo o morning sickness
  • Pananakit ng ulo

Madalas din sa ikaanim na linggo sa pagbubuntis yung makaranas pa rin ng pagiging sensitibo ng suso at kaunting pagduduwal. Bukod sa mga ito, maaari rin maging constipated at makaranas ng gas pain. Dahil dito, ugaliign uminom ng maraming tubig at kumain ng high-fiber na pagkain.

Week 7

Pagdating ng ikapitong linggo, posibleng kasing laki na ng blueberry ang nasa sinapupunan ng nagbubuntis. Dito na rin nagsisimula ang madalas na pag-ihi dahil lumalaki ang uterus at natutulak nito ang bladder.

Paniguradong malala at pangmatagalan ang sintomas pagdating sa ganitong panahon. Kung ikaw ay buntis at hindi mo sila gaanong nararanasan, isa ka sa napakakonting mapalad.

Tipikal na sa iyong araw ang morning sickness, mag-cramps, magkaroon ng mood swings, madalas na pag-ihi, at spotting. Maaaring matindi na rin ang iyong paglilihi sa mga pagkain at paglalaway. At posibleng magkaroon ka ng tigyawat dahil sa pagbabago ng hormones sa iyong katawan.

Tandaan na normal ang sintomas na ‘to. Ngunit kung ikaw ay nakararanas ng kakaiba o malalang sintomas, maiging kumonsulta sa iyong doktor.

Week 8

Tipikal sa ikawalong linggo sa pagbubuntis ang maranasan ang mga nabanggit na sintomas. Wala rin masyadong bago rito bukod sa maaaring pagkakaroon ng weird na panaginip. Walang pag-aaral tungkol sa aspetong ito, at hindi rin lahat ng buntis ay nakakaranas nito. Ngunit isang posibleng dahilan ay epekto ito ng stress at anxiety dulot ng pagbubuntis.

Week 9

Ang ikasiyam na linggo ang simula ng ikatlong buwan ng iyong pagbubuntis. Maraming babae ang nakakaranas ng pag-utot at kahirapan sa pagdumi. Pero kadalasan naman ay nawawala rin ang sintomas na nakaaapekto sa tiyan pagdating ng second trimester.

Hindi karaniwan ngunit sa ibang babae, isa sa sintomas ng kanilang pagbubuntis ang pagkakaroon ng sipon.

Source: Pexels

Week 10

Sa panahong ito, mas kapansin-pansin ang iyong baby bump! Maaaring kasinlaki na rin ng strawberry ang nasa loob ng sinapupunan mo.

Dito na rin lalaas ang tinatawag na pregnancy glow. Ang iba naman ay nadaragdagan ng tigyawat. Normal ito na mga pagbabago kung buntis ka, kaya’t walang dapat ikahiya kung nararanasan mo ito.

Week 11

Pwede kang makaranas ng tinatawag na round ligament pain dahil lumalaki ang iyong baby bump. Maaaring ang sakit ay tama lang pero posible rin na malala ito.

Normal din kung ikaw ay makakita ng discharge sa iyong panty. Tinatawag ito na na leukorrhea at inilalabas ito ng katawan mo para maglinis ng bacteria.

Week 12

Normal sa ikalabindalawang linggo ng pagbubuntis ang pagkakaroon ng mas pansin na ugat. Iyon ay dahil sa tumataas ang dami ng dugo sa katawan ng buntis.

Week 13

Congratulations at umabot ka na sa huling linggo ng first trimester! Sa panahong ito, magsisimula nang mawala ang karamihan sa sintomas na naramdaman mo sa unang labindalawang linggo. Magpaalam ka na sa morning sickness at constipation!

Sa ikalabintatlong linggo ay pwedeng halos kasinlaki na rin ng isang lemon ang nasa loob ng sinapupunan mo.

Sintomas Ng Buntis sa Pangalawang Trimester

Sa yugtong ito, makabubuti sa buntis ang mag-exercise. Karamihan na buntis ang nakararanas ng pagbalik ng kanilang sigla at libido sa trimester na ‘to. Dahil dito, ang second trimester ng pagbubuntis ay binansagan na honeymoon phase.

Source: Pexels

Week 14

Sa puntong ito, tipikal na sintomas ng buntis ang pagiging magana kumain, pagiging masiyahin, at pagkakaroon ng mataas na libido.

Iyon ay dahil sa matinding pagbabago ng hormones sa katawan. Habang ang pagkakaroon naman ng gana kumain ay dulot ng pangangailangan ng buntis sa dagdag na sustansya. Kung buntis ka, ang pagkain ng marami ay kailangan upang matulungan ang development ng fetus sa sinapupunan. Maiging kumain ka ng masustansyang pagkain at umiwas sa mga fast food at junk food.

May ilang mga buntis na nakakaranas ng magagandang pisikal na epekto pagdating ng second trimester. Halimbawa ng kanilang mga nakikita ay pagganda ng buhok kasabay ng pregnancy glow.

Week 15

May mangilan-ngilang kakaibang sintomas na mararanasan sa puntong ito. Isa na diyan ay ay pagkakaroon ng stuffy nose na dala ng karagdagang dugo sa mucus membranes.

Maaari ka rin makaranas ng leg cramps sa yugtong ito ng iyong pagbubuntis. Pagdating ng ikalabinlimang linggo, halos kasinlaki na ng mansanas ang nasa loob ng sinapupunan mo.

Week 16

Sa tipikal na pagbubuntis, maraming babae ang nakakaranas ng pagsipa ng baby pagtuntong ng ikalabing-anim na linggo!

Maaaring makaranas din ng pag-itim ng balat sa ibang parte ng katawan tulad ng kili-kili, pusod, utong, at singit. Normal itong pagbabago sa trimester na ito. Minsan, may mga babae na umaabot ang pangingitim sa mukha.

Week 17

Sa panahong ito, may mga buntis na nakararanas ng tinatawag na “pregnancy brain,” o pagiging mas makakalimutin.

Week 18

Simula sa ikalabinwalong linggo, asahan na ang regular na pagtaas ng timbang. Eto ang iba pang maaaring makitang sintomas:

  • Pagsakit at pagkangawit ng likod dulot ng hormones at paglaki ng tiyan
  • Paglaki at pagka-sensitibo ng suso para ihanda ang katawan sa pagpapadede
  • Pagiging sensitibo ng tiyan habang lumalaki
  • Pagbigat ng timbang
  • Pagkakaroon ng stretch marks dulot ng mabilis na paglaki ng tiyan

Tandaan na hindi dapat kamutin ang suso at tiyan pag sila’y nangangati. Huwag din mandiri o mainis sa stretch marks dahil ang mga iyon ay normal lamang na parte ng pagbabago ng katawan mo para sa iyong baby.

May ibang babae na nakakaranas ng weird dreams pagdating sa yugtong ito ng pregnancy. Isang magandang paliwanag dito ay puno ang utak ng buntis ng halo-halong emosyon gaya ng pag-alala at pananabik.

Sa linggong ito rin maaaring malaman ang sex ng baby sa pamamagitan ng ultrasound.

Source: Pexels

Week 19

Kasing laki na ng mangga ang sanggol sa sinapupunan pagdating sa ikalabingsiyam na linggo ng pagbubuntis.

Para sa mga ibang nagdadalang-tao, maaari silang makaranas ng heart burn mula sa hormones at constipation dulot ng paglaki ng baby.

Week 20

Maaaring halos kasinlaki na ng saging ang baby mo pagdating sa ikadalawampung linggo. Sa panahong ito, may mangilang epekto ng pagbubuntis ang magiging dama gaya ng:

  • Cramps sa binti
  • Varicose veins
  • Nanunuyot na mga mata
  • Pamamaga ng kamay at paa

Tipikal din sa ibang nagbubuntis ang mahirapan matulog sa panahong ito.

Week 21

Wala masyadong bagong epektong mararanasan pagdating sa ikadalawampu’t-isang linggo bukod sa minsanang kahirapan sa paghinga. Dahil ito sa pagtulak ng uterus sa diaphragm.

Dapat din maging handa sa posibleng Braxton Hicks Contractions. Ito’y parang mild cramps na dulot ng paghanda ng katawan sa sarili nito para sa panganganak.

Week 22

Sa iyong ikadalawampu’t-dalawang linggo, maaaring mapansin na gumaganda ang buhok mo at bumibilis ang haba ng kuko mo. Iyon ay dahil nagpapalusog at nagtatabi na ng nutrisyon ang katawan mo.

Week 23

Dahil sa paglaki ng baby sa loob ng sinapupunan mo, ang pusod mo na dating innie ay pwedeng maging outie. Normal ito at hindi dapat katakutan kapag nangyari.

Week 24

Sa linggong ito, maaaring makaranas ng pagod at kawalan ng gana para sa pakikipagtalik.

Week 25

Posibleng makaramdam ng kakaiba sa iyong mga kamay at daliri.

Week 26

Sa linggong ito, posibleng makaranas ng mataas na blood pressure, pamamaga, contractions, pagiging limot, sakit sa ulo, at hirap sa pagtulog. Maaari rin na makadama ng pangangati ng balat lalo na sa kamay, paa, at sa tiyan. Kadalasan, nawawala nang mag-isa ang pangangati, pero kung hindi, masosolusyonan ito sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot na nireseta ng doktor.

Week 27

May posibilidad na magkorron ng hemorrhoids sa linggong ito. Ito ang pagkakaroon ng namamagang ugat sa puwitan. Normal ang pagkakaroon ng hemorrhoids sa katawan, pero masakit sila sa pakiramdam kapag sila’y namaga at lumaki.

Dagdag sa mga sintomas ang hirap sa pagpigil ng ihi. Dahil nga sa paglaki ng bata, natutulak ang bladder. Kaya naman kahit konting pressure lang, hindi maiiwasan ang basta na lang maihi.

Source: Pexels

Sintomas ng Buntis sa Pangatlong Trimester

Sa mga susunod na linggo, makakaranas ang buntis ng mga sintomas mula sa nakaraang dalawang trimester.

Weeks 28–32

Sa loob ng limang linggo na ito ay makakaranas ka ng sakit sa pelvic area, pangangati, pamamaga, pagsakit ng iyong katawan, at pagod. Magsisimula rin muling maging sensitibo ang suso mo para ihanda ang katawan mo sa pagpapadede, at magkakaroon ng manilawnilaw na tulo.

Mananatili rin ang heartburn, madalas kang hindi makakapagpigil ng iyong ihi, at mas magiging halata ang stretch marks mo. Maaaring dumalas din ang pagdating ng Braxton Hicks Contractions.

Weeks 33–37

Sa mga susunod na linggo, asahan mo na makakaranas ka ng mahihirap na sintomas tulad ng pagod, heartburn, pananakit ng likod, at constipation. Iba pang sintomas na makikita ay pag-ihi nang madalas, sakit sa ulo, hirap sa pagtulog, at malabong paningin, at spotting matapos makipagtalik.

Sa yugtong ito, bababa na ang iyong baby sa lower pelvis. At dahil doon, maaaring makaranas ng kaunting ginhawa sa paghinga.

Weeks 38–42

Sa mga linggong ito, ang babae ay makakaranas ng makapal na pink discharge o discharge na may dugo. Dahil ito sa pagpakawala ng cervix sa mucus plug. Asahan din makaranas ng hirap sa pagtulog, discomfort sa pelvic area, pag-ihi nang madalas, at pamamaga o pamamanas.

Nananatili ang baby malapit sa pelvis sa panahong ito. Handa na siyang lumabas kaya naman natatamaan niya ang mga veins at nerves malapit sa pelvis. Full-term na ang baby, at ang official deadline ng kanyang panganganak ay sa ikaapatnapung na linggo. Pagdating ng ikaapatnapu’t-dalawang linggo, ito na ang tinatawag na “post-delivery.”

Nirerekumenda na kumonsulta agad sa iyong doktor kapag nakaranas ng 5-1-1 contractions. Ito ay contractions na tumatagal ng isang minuto kada limang minuto, at nangyayari sa loob ng isang oras. Kapag ganito ang nangyari, ang babae ay maaaring dumaranas ng early labor.

Source: Pexels

Ang Liwanag Ng Pagdadalang-Tao

Ang bawat babae ay may ibang karanasan pagdating sa pagbubuntis. May mga bagay na nangyayari sa karamihan, at may mga bagay naman na sa bilang lamang lumalabas. Ngunit kahit ano pa man ang pinagdadaanan mo, tandaan na ang lahat ng pagbabago sa iyong katawan ay senyales ng nabubuong buhay sa loob mo.

Para sa mga hindi nakakaintindi ng hirap ng pagbubuntis, pangit ang stretch marks at iba pang mga pagbabago sa katawan. Pero ang lahat ng iyong mga pagdadaanan ay normal at hindi dapat ikahiya. Dapat nating mahalin ang ating katawan dahil lahat ng katawan ay maganda. Lalo pa nitong pinapakita ang kalakasan niya pagkatapos dumaan sa halos sampung buwan na pagbubuntis.

Kaya’t alagaan at mahalin mo rin ang iyong sarili tulad ng pagmamahal na ibibigay mo sa iyong anak.

Frequently Asked Questions

Gaano kaaga nagsisimula ang mga sintomas ng pagbubuntis?

Maaari madama ang mild spotting at cramping sa unang linggo pa lang ng pagbubuntis. Sa ika-apat na linggo naman ang tipikal na paglabas ng iba pang sintomas.

Paano ko malalaman kung ako ay buntis?

Maaaring gumamit ng pregnancy test, ngunit maigi na kumonsulta sa doktor para sigurado. Available din ang pregnancy test kits sa botika pero siguraduhin na tama ang paggamit ng kit.

Anong feeling sa tiyan sa unang parte ng pagbubuntis?

Pwedeng makaramdam ng paghila sa pag-strecth sa tiyan. Ang tawag dito ay abdominal twinges, at ito ay normal sa mga buntis.

Anong mga pain ang normal na nararamdaman kapag buntis?

Bilang lumalaki ang iyong uterus, normal makaramdam ng cramps sa lower abdomen. Ang sakit ay maaaring kamukha ng nararamdaman kapag may period.

Ano ang itsura ng ihi ng buntis?

Kapag buntis, maaaring magbago ang kulay ng ihi. Mula sa dating clear o light yellow, pwede maging dark yellow. Ang pagbabago ng kulay ng ihi ay pwedeng dahil sa iba-ibang bagay gaya ng diet at gamot.

Anu-ano ang mga kakaibang sintomas ng pagbubuntis?

May kakaibang mga sintomas ng buntis na nararanasan ng iba. Ilan dito ay discharge, sipon at flu, heartburn, at constipation.

Pwede na bang gumamit ng pregnancy test sa unang linggo pa lang?

Sabi ng mga experts ay dapat hintayin muna unang araw ng padating na period. Kung ang period ay na-delay ng isang linggo, doon na maaaring gumamit ng test. Hindi rin garantisado na accurate ang makukuha mong resulta sa paggamit ng test sa unang linggo.

Saang bahagi ng katawan nararamdaman ang pregnancy cramps?

Nararamdaman ang cramps sa lower back at abdomen dahil sa paglaki ng uterus. Hawig ito ng menstrual cramps.

Leave a Comment