Ang pagbubuntis na marahil ang isa sa pinakamaselang bahagi ng buhay ng isang babae. Kaya naman, kinakailangan ng ibayong pag-iingat sa panahong ito. Upang masigurado ang safe na pagbubuntis, mahalagang masigurado ang maayos na kalusugan at pangangalaga sa buntis na mommy.
Basahin ang guide na ito mula sa Preggy to Mommy upang mapaghandaan ang mga adjustments na dapat gawin sa inyong pregnancy journey. You’ll learn more info on what to do and not to do habang ikaw ay nagbubuntis. Bibigyan ka din namin ng advice para sa bawat stage ng iyong pregnancy.
Mga Karaniwang Kondisyon na Nararanasan sa Pagbubuntis
Importanteng magkaroon ng malawak na kaalaman sa mga sintomas ng pagbubuntis upang malaman kung paano ito matutugunan nang maayos. Dapat ding alamin ang mga karaniwang kondisyon na maaaring maranasan upang higit na mapangalagaan ang sarili habang buntis. Ilan dito ang:
- Morning sickness
- Constipation
- Bloating
- Cramps
- Paglilihi
- Fatigue
- Madalas na pag-ihi
- Vaginal discharge
- Backaches
- Breast pain
- Varicose veins
- Bleeding gums
Pangangalaga sa Sarili Habang Buntis
Maraming dapat isaalang-alang sa paniniguradong maayos ang pangangalaga sa sarili ni mommy habang buntis. Ang kaalaman sa mga bagay na ito ay makakatulong para sa maayos na pregnancy experience. Mahalaga rin ito para masiguradong maayos ang kondisyon ni baby sa loob ng sinapupunan hanggang sa paglabas.
Regular na OB-GYN Visit
Isa ang regular na check up at OB-GYN visits sa pinakamahalagang paraan ng pangangalaga sa sarili habang buntis. Sa pamamagitan ng regular na pre-natal check up, mahigpit na ma-monitor ang kalusugan ni mommy at ni baby.
Maaari ring matukoy at maiwasan ang mga komplikasyon katulad ng infection sa ihi o UTI. Isa ito sa mga pangunahing kondisyon na nararanasan at dapat maagapan ng mga mommy habang nagbubuntis. Ang regular consultation ay importante upang hindi lumala ang mga ganitong komplikasyon at maapektuhan pa ang pagbubuntis.
Mag-File ng Maternity Leave
Kung nagtatrabaho, mahalagang malaman ang mga dapat gawin sa pagfa-file ng maternity leave. Mahalaga ang maternity leave sa pangangalaga sa sarili habang buntis. Ito ang magsisilbing pahinga mula sa stress ng trabaho at biyahe habang nagbubuntis.
Mababawasan din ng paid maternity leave ang stress na iisipin sa dagdag na finances na kailangan sa pagbubuntis. Bukod pa roon, mahalaga ang agarang pag-aabiso sa opisina upang hindi magdulot ng ano mang abala..
Ang paid maternity leave sa Pilipinas ay maaring tumagal nang hanggang 105 na araw, natural delivery o cesarean man. Tandaan lang na dapat ay nakapaghulog ng at least tatlong monthly contribution sa SSS sa loob ng 12 months bago ang panganganak.
Kumain ng Balanse at Masustansiyang Pagkain
Malaki ang kahalagahan ng pagkain ng masustansyang pagkain at ano mang ipinapasok sa sistema habang nagbubuntis. Kailangan kasing masigurado na nakakarating ang mga importanteng nutrients sa baby sa sinapupunan ni mommy.
Siguraduhin ang regular na intake ng masusustansyang pagkain tulad ng prutas, gulay, pagkaing mayaman sa calcium, iron, at protein. Nakakatulong ang pagkain ng balanseng pagkain sa development ng sanggol at naiiwasan ang constipation at hypertension na dulot ng pagbubuntis.
Uminom ng Maraming Tubig
Mahalaga ang pag-inom ng sapat na tubig habang buntis. Importante ito sa pangangalaga sa sarili dahil mas kailangan ngayon ng fluid kaysa sa mga average na tao. Mahalaga ito sa formation ng amniotic fluid, pagbuo ng bagong tissue, pagpo-produce ng dugo, enhanced digestion, at pagtanggal ng toxins.
Maiiwasan din ng sapat na pag-inom ng tubig ang dehydration na maaaring makasama sa kalusugan.
Uminom ng Folic Acid (Vitamin B9)
Bukod sa balanseng pagkain, mahalaga rin ang pag-inom ng folic acid o vitamin B9 sa pangangalaga sa sarili ng isang buntis. Kailangan ng isang buntis ng at least 400 hanggang 800 microgram folic acid intake sa isang araw. Importante ang folic acid sa pagbuo ng mga bagong cells sa katawan at para maiwasan ang iba’t ibang birth defects.
Tiyaking Sapat ang Iron
Bukod sa folic acid, importante rin ang sapat na intake ng iron araw-araw sa pangangalaga sa sarili habang buntis. Iniiwasan nito ang risk ng anemia na maaraing magdulot sa maagang panganganak o underweight paglabas ng sanggol na underweight. Sa ika-5 buwan kadalasan inaabisuhan ang mga buntis na mag-take ng iron supplements.
Panatilihin ang Tamang Timbang
Kung adequate ang nutrisyon na natatanggap ng isang buntis, magkakaroon ng 1kg increase sa timbang kada buwan sa unang 4 na buwan ng pagdadalang-tao. Sumatotal, nasa halos 13kg ang madadagdag sa timbang sa buong pregnancy period. Sa isang artikulo galing sa NIH, “Gaining an appropriate amount of weight during pregnancy helps your baby grow to a healthy size. But gaining too much or too little weight may lead to serious health problems for you and your baby.”
Tandaan na mas mataas ang chance ng pagde-develop ng komplikasyon kung overweight ang isang buntis. Maiging makipag-ugnayang sa iyong doktor tungkol sa magiging diet upang maiwasan ang sobra-sobrang dagdag sa timbang.
Regular na Ehersisyo
Nakakatulong ang regular na ehersisyo at paggalaw upang malabanan ang ilang kondisyon na dala ng pagbubuntis. Nakakatulong din ito sa kalusugan ni baby sa sinapupunan ni mommy. Siguraduhin lang na i-konsulta ang iyong exercise routine sa iyong doktor upang ma-regulate ito kung sakaling hindi appropriate sa pagbubuntis.
Taliwas sa pinaniniwalaan ng iba, hindi masama ang ehersisyo sa pagbubuntis. Nakakasama lamang ito kung masyadong mabigat ang exercise routine. Dapat ding iwasan ang mga mabibigat na gawain tulad ng pagbubuhat at pagpanik sa mga matataas na lugar.
Iwasan ang Stress
Sakop ng pangangalaga sa sarili habang buntis ang aspetong mental at emosyonal. Hangga’t maaari, dapat maiwasan ang ano mang bagay at sitwasyon na magdudulot ng stress sa buntis. Nakakaapekto ito sa pangangalaga sa sarili pati sa kalusugan ni baby. Maaari ring mawala ang focus sa mga gawain dahil sa sobra-sobrang stress. Siguraduhing nakakapagpahinga ang buntis malayo sa ano mang source ng mental, emotional, o physical stress.
Sapat na Oras ng Tulog at Pahinga
Ayon sa isang artikulo galing sa Mayoclinic, “As pregnancy progresses, everyday activities such as sitting and standing can become uncomfortable. Short, frequent breaks can combat fatigue. ” Kailangan ng buntis ng 7 hanggang 9 na oras ng tulog gabi-gabi. Sa patuloy na paglaki ng sanggol, mas mararamdaman ang mabigat na pakiramdam at mas madaling mapapagod ang likod at tiyan. Ang sapat na oras ng tulog at pahinga ay makakatulong sa pangangalaga sa sarili, partikular na sa pagdaloy ng dugo. Pwede ba dumapa ang buntis? Siguraduhin maayos ang sleeping posture at iwasang dumapa habang natutulog.
Laging Kumonsulta sa Doktor sa mga Iniinom na Gamot
Kailangan ang regular na komunikasyon sa doktor sa maayos na pangangalaga sa sarili habang buntis. Huwag basta-bastang uminom ng doktor kung ikaw ay buntis. Mayroon kasing mga gamot na maaaring makasama sa kalusugan ng buntis at ng sanggol. Siguraduhing kumonsulta sa doktor kung ligtas ba ang iinuming gamot sa pagbubuntis.
Tamang Pananamit
Kung mahilig magsuot ng mga fitted na damit, kailangan muna itong iwanan habang buntis. Hangga’t maaari magsuot ng mga maluluwag na damit katulad ng t-shirt o kaya ay mga dress o daster. Siguraduhin din na palaging malinis ang damit na isinusuot.
Pagdating naman sa underwear, pumili ng yari sa cotton dahil mas malambot ito at absorbent. Mas maganda itong isuot lalo na dahil mas nagiging sensitive ang vaginal area habang buntis.
Iwasan din ang pagsusuot ng sapatos na may mataas na takong, lalo na iyong mga stiletto. Hangga’t maaari, magsuot na lamang ng flat shoes sa panahon ng pagbubuntis.
Personal Hygiene
Dahil sa hormonal changes na nararanasan ng isang buntis, nagreresulta ito sa increase sa vaginal dicharge. Ang discharge na ito ay nagre-resulta naman sa bacterial growth. Kaya naman mas prone sa vagina infection ang mga buntis. May ilang infection, kagaya ng Bacteria vaginitis, na nagi-increase ng chance ng pagkalaglag at premature delivery. Kapag hindi naaksiyunan, maaari rin itong maipasa sanggol sa labor at delivery.
Maaaring maiwasan ang bacterial infection sa pananatili ng good hygiene at maingat na paglilinis ng vaginal area. Maaaring gumamit ng feminine wash na may halong lactic acid o lactoserum para dagdag proteksiyon. Dito rin papasok ang pagsusuot ng cotton underwear.
Dental at Oral Care
Mahalaga rin ang regular na dental care sa pangangalaga sa sarili habang buntis upang maiwasan ang ano mang infection. Siguraduhin lamang na nasa maayos na kalagayan ang katawan bago ang check-up. Mahalaga rin na iinform ang dentista sa pagbubuntis bago ang appointment para maiwasan ang procedures na maaaring makasama sa pagbubuntis.
Kung mga cosmetic procedures at teeth whitening naman ang itutungo sa dentista, mas mabuting ipagpaliban muna ito hanggang sa makapanganak.
Breast Care
Magi-increase ang breast size habang nagbubuntis. Siguraduhing magsuot ng tamang size ng maternity bra. Huwag magsuot ng mga underwire bras dahil nagpe-press ito sa milk ducts, na maaaring magresulta sa blockage at discomfort. Bukod pa roon, huwag gumamit ng kahit na anong cream o tela sa suso na maaaring magpa-dry ng balat.
Kapag naliligo, iwasang ang pag-scrub sa parte na ito gamit ang tuwalya. Siguraduhing gentle at banayad ang pagpapatuyo sa breast at nipples pagkatapos maligo. Hindi rin kailangan na pisilin ang nipples para sa breastfeeding dahil natural itong magiging tough. Mahalaga ang breast care sa pangangalaga ng sarili ng buntis sa paghahanda para sa breastfeeding.
Sexual Intercourse
Kung normal at walang komplikasyon ang pagbubuntis, hindi makakaapekto ang sexual acitivity sa kalusugan ni baby. Protektado kasi ang sanggol sa sinapupunan ng amniotic fluid at muscles ng iyong uterus. Nadaragdagan din ang sexual urges na dulot ng pagbubuntis kaya naman isang paraan din ang pagsisiping sa pangangalaga sa sarili.
Ganoon pa man, siguraduhin kumonsulta sa iyong doktor patungkol sa iyong pregnancy condition para makasiguardong ligtas ang pagsisiping. Kadalasan, pagtungtong ng ikatlong trimester, inaabisuhan na ihinto muna ang sexual activity dahil ito na ang maselang period ng pagbubuntis.
Umiwas sa Mga Bisyo
Huwag na huwag uminom ng alak at manigarilyo. Dagdag sa mga masasamang epekto nito sa inyong kalusugan bilang ina, nakasasama rin ito sa inyong anak. Ayon kay JoLyn Seitz, MD. ng Sanford Health: “People who smoke during pregnancy are more at risk of miscarriage. Babies born to those who smoked during pregnancy are at increased risk for birth defects, premature birth, low birth weight and infant death.”
Pangangalaga sa Buntis: Agad na Pumunta sa Ospital Para sa mga Ganitong Sitwasyon
Kung may nararamdamng kakaibang sintomas na nagdudulot ng sakit at discomfort, mahalagang maaksiyunan agad ito bago pa lumalala. Kasama sa pangangalaga sa sarili ang pagiging maalam sa dapat gawin sa mga sitwasyong ito. Crucial ang mabilis na aksyion para sa mga urgent at biglaang kondisyong ito.
Kung nakakaranas ng mga sintomas, agad na pumunta o i-contact and iyong doktor:
Biglaang Pagsakit ng Puson o Tagiliran
Maaaring maging indiskasyon ng miscarriage ang masakit na puson o tagiliran. Maaari mayroon o wala itong kasamang vaginal bleeding.
Vaginal Bleeding
Isang sign na mayroong mali sa pagbubuntis ay kapag nakaranas ng pagdurugo. Ano pa man ang kaso, mahalaga na madala agad siya sa doktor upang malaman ang sanhi nito. Kadalasang matingkad na pula ang kulay ng bagong pagdudugo habang brown o itim naman ang lumang pagdudugo.
Pag-agos ng Tubig
Nababalot ng amniotic sac o ‘tubig’ ang sanggol sa sinapupunan. Kadalasang nangyayari ang water breaking sa panahon ng labor. Kung mangyari ito nang malayo pa ang due date ng panganganak, maaaring sign ito ng pagkalaglag o premature na panganganak. Maaari rin itong magdulot ng infection sa buntis at sa sanggol.
Huwag mag-panic kapag nangyari ito bagkus ay agad na pumunta sa ospital. Lalo na kung maselan ang pagbubuntis, siguraduhing palaging may naiiwang kasama ang buntis sa bahay para sa ganitong emergency.
Mataas na Lagnat
Bagamat nakakaranas ng pagkahilo ang buntis, ibang usapan ang malalang sakit sa ulo na nagtatagal ng 2 to 3 hours. Lalo na kung may kasama itong lagnat na higit pa sa 38°C, agad na kumonsulta sa doktor. Isa ito sa mga standard na dapat gawin upang masiguradong hindi nako-kompromiso ang pangangalaga sa sarili ng buntis. Makakapagbigay ang iyong doktor ng agarang proper diagnosis at medication.
Masakit na Pag-Ihi
Kagaya ng nabanggit, isa sa pinaka-karaniwang kondisyon sa pagbubuntis ang UTI or urinary tract infection. Bagamat kadalasang hindi ito emergency at kalaunan na nada-diagnose, mahalaga pa rin na magamot ito agad sa pag-inom ng antibiotics. Mahalagang maagapan ito agad dahil maaari itong mag-resulta sa infection na maaaring umabot hanggang sa kidneys. May mga kaso rin ng UTI na maaaring magdulot ng premature labor.
Pamamaga ng Parte ng Katawan
Agad din na tumungo sa ospital kung nakakaranas ng biglaan at malalalang pamamaga ng kamay, paa, mukha, at mata. Maari rin itong samahan ng sakit sa ulo, paglabo ng mata, at bloating.
Panlalabo ng Paningin
Maaari ring sintomas na may mali sa pagbubuntis kapag nakakaranas ng pagbabago sa paningin. Ilan dito ang biglaang panlalabo, panduduling, at pandidilim ng paningin sa loob nang ilang minuto.
Pagbagal o Pagtigil ng Galaw ng Sanggol
Kapag napansing halos walang paggalaw sa iyong tiyan sa loob ng dalawang oras, maaari itong sintomas na may mali kay baby. Maaaring sintomas rin ang biglaang pagbagal at paghina ng paggalaw ng sanggol sa loob ng sinapupunan.
Sa ganitong sitwasyon, huwag nang ipagpabukas ang pagpunta sa doktor. Kung wala mang mali sa evaluation ng doktor, mabuti nang makasiguradong ligtas ang buntis at ang sanggol.
Pahalagahan ang Pangangalaga sa Sarili!
Nagsisimula ang responsibilidad ng pagiging ina sa pagbubuntis pa lamang. Sa pagsunod ng payo ng doktor at sa pagsunod ng healthy lifestyle, napapangalagaan mo ang sarili at si baby. Ang pangangalaga sa sarili habang buntis ay isa sa pinakamabisang paraan para masigurado ang ligtas na panganganak. Mahalaga ang regular na prenatal care na may gabay ng doktor upang masiguradong healthy si mommy at baby.
Sanay nakatulong ang guide na ito para sa iyong paghahanda sa puspusang pangangalaga sa sarili habang buntis. Congratulations and good luck!