nanay

30 Simple At Epektibong Paraan Upang Makatipid Ang Mga Bagong Nanay

Pagkatapos ng pagbubuntis, ang susunod mo namang aalahanin ay ang pagiging bagong nanay. Kaabikat dito ang pagbubudget ng mga expenses dahil alam naman natin na magastos at matrabaho ang pag-aalaga kay baby. Ang stage na ito ay kritikal dahil gusto natin na lumaki silang malusog, kaya naman bilang nanay, ibinibigay natin lahat ng kailangan nila. 

Pero aminin natin, hindi lahat ng mga nanay ang may kakayahang gumastos ng malaking pera. Mahirap magpalaki ng anak, at mahirap rin mag-ipon para sa kanilang kinabukasan. Dapat nating tandaan na hindi mo kailangan gumastos ng napakalaki lalo na’t maliit pa lang si baby. Mahalaga ring maghanda ka para sa future ng iyong anak sa pamamagitan ng pagtitipid. 

Siguro ay naaakit ka rin sa mga nakikita mong mga bagay sa department store kagaya ng mga cribs, bassinets, baby clothes, mga laruan, at iba pa. Iniisip mo na kailangan ito lahat at gagastos ka para dito. Pero kung titingnan natin nang mabuti, hindi biro ang presyo ng mga ito at may kamahalan din ang mga gamit ni baby. Importante na mag-prioritize ka at bilhin lamang ang mga pangunahing pangangailangan. 

Ngunit wag kang mag-alala, ito ay pagkakataon para ma-discover mo ang mga iba’t-ibang strategies sa pagtitipid habang di nakokompromise ang kalidad ng pag-aalaga mo sa iyong anak. Kailangan mo lang maging madiskarte at mapanuri. 

Narito ang ilan sa mga simple at epektibong paraan upang makatipid ka sa pag-aalaga ng iyong baby na hindi kinokompromiso ang kanilang kaligtasan. 

1. Iwasan ang Mga Extra Charges sa Ospital 

Isa sa mga pangunahing gastusin ng mga bagong nanay ay nalalaan sa ospital. Hindi maiiwasang tumaas ang bill dahil kailangan mo ito para sa iyong kalusugan, ngunit pwede mo parin ito makontrol.

Laging bantayan ang gastusin sa ospital at iwasan ang mga additional cost katulad ng mga appliance usage, bedsheets, diapers, at iba pa. Mas maigi kung makapagdadala ka ng sarili mong gamit hindi ka singilin para sa mga ito. Nakapanghihinayang ang iyong magagastos na pera kapag mayroon ka namang sapat na gamit na hindi na kailangan bilhin sa ospital. 

2. Tumawag Muna at Kausapin si Dok Bago Mag-set ng Appointment

May kamahalan rin ang mga check-up at gamot para kay baby. Ngunit bilang isang nanay, pinahahalagahan mo ang kalusugan ni baby. Kaya naman kahit gaano pa ito kamahal, gagawa’t-gagawa ka ng paraan.

Isang diskarte para makatipid ay ang pagtawag muna sa clinic o kaya kay Dok bago ka mag-set ng appointment. Tignan muna kung kaya gamutin si baby sa bahay base sa sasabihin ng iyong pedia. Kapag hindi naman malubha, maaring hindi mo na kailangan pumunta sa clinic. Makakaiwas ka sa mahal na check-up fee sa paraan na ito. 

Ngunit tandaan rin na may limitasyon ito. Kapag sinabi ni Dok na kailangan na talagang pumunta sa ospital, sundin ito para sa kapakanan ni baby. 

3. Subukan ang Mga Tester o Libreng Samples sa Ospital 

May mga ospital na nagbibigay ng loot bag o goodie bag sa mga bagong nanay. Ito ay naglalaman ng mga karaniwang gamot para kay baby. Kung mayroon, siguraduhin na kunin ito at gamitin agad bago maluma. 

Makatutulong ito dahil pwede mo itong gamitin muna habang wala ka pa pang-gastos at pwede rin itong maging basehan para malaman mo ang mga gamot na kailangan mong pag-ipunan in the future. 

baby check-up
Source: Flickr

4. Humingi ng Advice o Tips Mula sa Iyong mga Kapwa Nanay

Bukod sa mga advice o tips na iyong makukuha, makatutulong rin ang pagkausap sa mga ibang mommies sa pagsolve ng mga problema mo sa pagiging bagong ina. Masasagot ka nila kaagad at mas marami silang karanasan, kaya maganda ring makakuha ng karagdagang kaalaman mula sa kanila. Pwede mo ring gayahin ang mga ginawa nilang diskarte para makatipid. 

Maari mo ring itanong sa mga ibang nanay kung totoo ba ang mga naririnig mong pamahiin tungkol sa pagbubuntis at sa pag-aalaga ng iyong anak. Ang pakikinig sa mga experience ng iba ay makatutulong para lumawak ang iyong kamalayan. 

5. Sumali sa mga Support Group o Network sa Social Media

Sa panahon ngayon, lahat ng impormasyong kailangan natin sa pang-araw araw ay makikita na sa internet. Kahit sa social media ay marami tayong bagong nalalaman. Kung ikaw ay nahihirapan sa pagtitipid, pwede kang sumali sa mga groups sa Facebook o magbasa ng mga threads sa online community websites. Paniguradong marami kang matutunan na bago mula sa mga iba’t-ibang nanay.

Maliban sa social media, mainam ring magbasa ka ng mga blogs tungkol sa motherhood o sa pagbubuntis kagaya ng Preggy to Mommy

Ang nakakatuwa pa rito, maari ka ring makakilala ng mga ina at magkaroon ng mga bagong kaibigan. Alam naman nating mahirap para sa mga kapapanganak lang na mag-adjust, pero nakagagaan rin sa pakiramdam kapag alam mong hindi lang ikaw ang may ganoong problema. 

6. Gumamit ng Cloth Diapers, Lalo na Kung Marami Kang Inaalagaan 

Maraming benepisyo ang paggamit ng cloth diapers lalo na para sa mga nanay na maraming inaalagaan. Maari kang makatipid kapag gumamit ka ng cloth diapers dahil sa panahon ngayon, mataas na ang presyo ng mga disposable diapers. Bukod sa mas mura ito, mas komportable rin ito sa pakiramdam at hindi magkakaroon ng rashes si baby. 

Pero hindi rin natin maiiwasang gumamit ng mga disposable na diaper lalo na kapag may pupuntahan sa labas o kaya naman para sa emergency situations. Pwede namang gamitin sila parehas at i-switch ang paggamit paminsan-minsan para mabawasan ang gastos mo. 

7. Kapag Walang Cloth Diaper, Mas Mainam Bumili ng Disposables Nang Maramihan

Iba-iba naman ang preference ng mga bagong nanay. Kung mas panatag ka sa paggamit ng regular na diaper, pwu-pwede naman ito, at may paraan pa rin para makatipid. 

Kapag mamimili ka ng disposable diapers, mas praktikal at sulit na bumili in bulk o sa mga malalaking packages na. Imbes na paulit-ulit kang bibili, mas makakamura ka pag bumili ka ng maramihan. 

Mas mahirap nga lang ito bitbitin, pero menos naman ito sa gastusin in the long run. Pwede ka ring mamimili sa mga online shops, resellers, o wholesalers, dahil karamihan sa kanila ay nagbibigay ng discounts. 

8. Huwag Nang Bumili ng Mga Wipe Warmers 

May mga pagsusuri na nagsasabi na walang direct benefits ang wipe warmers sa pagpapagaan ng late-night diaper changes na ginagawa ng mga nanay. Minsan pa nga ay nakakaligtaan ito gamitin kaya’t naiiwan na lamang at natutuyo. Dagdag gastos pa ito at marami namang alternatibo na pwedeng magamit.

Sa halip na bumili ng mga wipe warmers, i-budget na lamang ang pera at ilaan ito sa mas importanteng pangangailangan. 

9. Gumamit ng Mga Lumang Tela o Panyo Kaysa Bumili ng Wipes

Karamihan sa mga nanay na kapapanganak lang ay laging busy at tutok sa pag-aalaga kay baby; kaya naman mas gusto nila ng mga easy-to-use na gamit. Ang mga disposable wipes ay patok sa mga mommies dahil napakadaling gamitin at marami rin siyang uses. 

Ngunit napaka-gastos nito at hindi pa eco-friendly. Isang option mo para makatipid ay ang paggamit ng soft cloth na pwedeng labhan ulit. Pwede mo itong ibabad sa baby shampoo, baby soap, o kahit tubig lang. Mas safe ito para kay baby at bawas pa sa mga kailangan mong bilhin. 

baby clothes
Source: PeakPX

10. Maging Madiskarte sa Pagbili ng Baby Clothes

Isa rin sa mga necessities na pinaglalaanan ng budget ay ang mga damit. Nagbibigay ito ng kasiyahan sa mga nanay dahil alam nilang proktektado ang kanilang baby. Ngunit nagmamahal narin ang mga baby clothes at kung nagtitipid ka, maaring hindi sulit na bumili ng maraming baby clothes dahil lalaki rin ang iyong anak. 

Isang option ay ang pagbili ng secondhand clothes na maganda pa rin ang kondisyon para makamura ka. Kung may mga kakilala ka namang ibang nanay, pwede ka ring manghiram na lamang. Maiinitindihan naman nila ito dahil napagdaanan rin nila ito. 

Dagdag gastos pa ang pagbili ng napakaraming baby clothes na hindi mo rin magagamit in the long run. 

11. Gamitin ang Mga Pinaglakihang Damit Bilang Bib

Sa halip na bumili ng maraming bibs para kay baby, maari kang makatipid sa pamamagitan ng pagbili ng mga malalaking t-shirts na pwedeng gawing bib. Pwede rin naman gumamit ng mga luma o secondhand t-shirt para hindi ka na gumastos ng pera. 

Ang mga t-shirts na ito ay pwedeng itali para maging bib, at kaya nitong saluhin ang mga food spills at kahit anong spill mula kay baby. Ang maganda dito, pwede mo itong labhan para magamit muli pag-lumaki na ang iyong anak. 

Marami nang nanay ang gumagawa nito dahil mas economical it imbes na bumili ng bib na walang ibang paggagamitan. 

12. Kung Maari, Huwag Nang Gumastos sa Baby Bathtub 

Ang mga baby bathtub ay ginagamit upang mapadali ang pagpapaligo kay baby. Marami sa mga nanay ay gumagastos talaga para dito. Pero dapat natin tandaan na each penny counts, at dapat bumili lamang tayo ng mga gamit na kailangan talaga ng ating mga anak. Kung tutuusin, hindi naman necessary magkaroon nito, pwede mo naman mabigyan ng maginhawang paligo si baby sa tradisyunal na paraan. Pwede sa sink, sa shower, o kaya naman sa ordinaryong bathtub na lamang. Ang importante ay maging maingat ka sa pag-alalay kay baby at maging gentle sa pagpapaligo sa kanya. 

Pero kung nais mo talagang magkaroon ng baby batuhin, mas mainam bumili nalang ng secondhand o galing sa wholesaler dahil mas mababa ang presyo nito.

baby bathing
Source: Flickr

13. Wag Nang Bumili ng Bottle Warmer

Kagaya ng wipe warmers, hindi rin kailangan bumili ng bottle warmer. Kung gusto mo gumawa ng warm formula o gatas para kay baby, mas mainam na gumamit nalang ng mainit na tubig at gawin ito the traditional way. Extra gamit at extra gastos lang ang bottle warmer dahil marami namang pwede gumawa ng trabaho nito. 

14. Iwasang Bumili ng Maraming Laruan Para Kay Baby, Lalo na ang Mga Maliliit at Delikadong Laruan 

Ang mga baby toys ay isa rin sa mga laging binibili ng mga nanay para malibang ang kanilang anak. Karamihan sa mga ito ay may kamahalan sa presyo dahil gumagamit ang mga manufacturers na lead-free at chemical-free na materials para sa kaligtasan ng mga baby. Ang mga mas mura naman ay hindi panigurado na ligtas paglaruan. 

Kung naghahanap ka ng pampasiya sa kanya, pwede kang mag-improvise at gumawa nalang ng mga homemade rattles at iba pang gamit na safe gamitin bilang laruan. Isa ring solusyon ay makipagbonding na lamang sa iyong anak at iparamdam sa kanya ang iyong aruga, mas sweet ito at mas tipid pa!

Huwag ka na mag-abalang bumili ng iba’t-ibang klase ng laruan dahil maari mo naman itong makuha bilang regalo o kaya naman bilhin mo nalang ito kapag lumaki na si baby. Sa stage na ito ay baka mapahamak pa siya. Sayang lang ang pera dahil baka masira ito agad at hindi rin magamit nang matagal. 

nanay at baby
Source: Pixabay

15. Huwag Na Rin Gumamit ng Baby Shoes

Kagaya ng mga baby clothes, lalaki rin ang anak mo at hindi na magkakasya sa kanya ang binili mong baby shoes. Maaaring hindi na ito magkasya kay baby pagkalipas lamang ng ilang buwan. Kung tutuusin, hindi mo na ito kailangang bilhin dahil bukod sa mahal ito, hindi pa naman nakakalakad ang iyong anak. Pwede ka nalang gumamit ng medyas para maproktektahan ang mga munting paa ni baby. 

16. Gumamit ng Breast Pump

Walang tatalo sa breastmilk ng isang nanay. Bukod sa wala kang gastos dito, mas masustansya ito kaysa sa formula. Ngunit para sa mga working moms, hindi nila kaya magbreastfeed buong araw. 

Ang solusyon dito ay ang paggamit ng breast pump na makatutulong sa pagstore ng milk para sa iyong baby. Kahit may kamahalan ito, mas makakatipid ka naman kaysa sa pagbili ng formula milk. Isang investment ang paggamit ng breast bump dahil mas praktikal ito, at marami rin namang breast pump na nabibili sa murang presyo. 

17. Gumamit ng Bath Towel o Mas Kilala Bilang “Portable Changing Table”

Madalas mahikayat ang mga nanay bumili ng mga ekstrang gamit dahil sa advertisements, kagaya na lang ng portable changing table. Pinabibilis nito ang proseso ng pagpapalit ng diaper ni baby. Maganda at helpful siya sa umpisa, ngunit kadalasan di narin ito nagagamit kapag lumaki ang iyong anak. 

Iwasan na ang mga unnecessary na gastos kagaya nito at gawin nalang simple ang mga bagay-bagay para makatipid. 

18. Siguraduhing Magdala ng Extra Diaper Bag Saan Ka Man Magpunta 

Importante na lagi kang handa para makaiwas sa unexpected na gastos. Bilang nanay, dapat prepared ka sa mga emergencies. Isa sa mga simpleng solusyon dito ay ang pagdadala ng extra diaper bag saan man kayo magpunta. Ilagay mo dito ang mga pangangailangan ni baby kagaya ng diapers, cloth wipes, cleaning spray, extra baby food, at mga pamalit. 

Sa ganitong paraan, di mo na kailangan bumili ng wala sa oras at makakatipid ka dahil handa ka sa mga gamit. 

19. Pwede Ring Gumamit ng Kahit Anong Uri ng Bag sa Pagbitbit ng Diaper at Iba Pang Pangangailangan

Sa dami ng gastusin bilang bagong nanay, huwag ka na mag-abalang bumili ng mga diaper bag, lalo na yung mga branded. Pwede kang gumamit ng lumang bag o kaya backpack sa pagdadala ng mga gamit ni baby. 

Karamihan naman sa mga ibinebentang diaper bag ay ordinaryong bag lamang na nilagyan ng baby-themed design o kaya parte ng isang product line ng mga sikat na baby brands. Dagdag gastos pa ito at marami ka namang pwedeng gamitin na alternatives. Hindi sulit na gumastos ka pa para dito. 

20. Huwag na Abalahing Bumili ng Ear Thermometer

Ang mga nanay ang laging alerto pagdating sa kalusugan ng kanilang anak. Mas kritikal at kailangang bantayan ang mga newborn dahil sila’y maliliit at nagdedevelop pa lamang. Isa sa mga karaniwang symptoms ng sakit ay lagnat. 

Kadalasan ay bumibili pa ang mga bagong ina ng ear thermometer kahit parehas lang naman ang function nito sa mga ordinaryong thermometer na ginagamit natin. Minsan ay inaccurate rin ang nababasa nitong temperature. Upang makabawas sa gastusin, huwag nang bumili ng ear thermometer at gumamit na lamang ng regular thermometers. Mababa ang presyo nito at mas maasahan pa sa pagsukat ng temperatura ni baby. 

sleeping baby
Source: Piqsels

21. Gumamit na Lang ng Secondhand na High Chair

Hindi naman kakailanganin ni baby umupo sa high chair araw-araw. Karamihan sa mga ito ay matitibay na pwedeng tumagal ng ilang taon. Kaya naman mas praktikal na bumili na lamang ng secondhand na highchair kesa gumastos ka sa bago. Kung sa tingin mo naman ay hindi ito necessary, gamitin mo nalang ang pera sa ibang gastusin. 

22. Magluto ng Baby Food na Pwedeng Ihain nang Maraming Beses 

Madali lamang ito gawin! Mag-boil nalamang ng one to two pounds ng mixed vegetables (pwede ring isa lang) hangga’t luto na itong mabuti. Haluan ng tubig at ilagay ito sa blender upang makain ito ni baby. Nasa sa’yo kung anong consistency ang gusto mo ngunit mas maganda na mas malambot kapag maliit pa lang si baby para madali niya itong makain. 

Ilagay sa ref ang mga natira at maghanda ka na ng portions para ma-budget mo ang pagkain ng iyong anak. Mas makakatipid ka sa paraan nito kaysa sa pagbili lagi ng mamahaling baby food. 

23. Maging Wais sa Pagbili ng mga Strollers at Pumili ng mga Matitibay na Model 

Maraming commercial o advertisements ngayon ang nanghihikayat sa ating bumili ng stroller. Dahil may kamahalan ito, mas maganda bumili mismo sa mall para matingnan ito ng harap-harapan. Maging wais sa pagpili at siguraduhin na ito ay madaling gamitin at safe para kay baby. Kung may ipon kang magagastos, mas mabuti nang bumili ng kalidad na stroller para alam mong sulit ang pera mo. 

Kapag ikaw naman ay isang nanay na nagtitipid, pwede kang maghanap ng secondhand na stroller na matibay parin at pasok sa iyong budget. O kaya naman manghiram na lamang sa iyong mga kaibigan na tapos na sa paggamit nito. 

24. Pwede na ring Tanggalin ang mga Decorations sa Crib 

Ang hindi alam ng nakararami ay mahal ang presyo ng mga crib decorations at iba pang palamuti. Kung tutuusin, wala rin itong additional purpose maliban sa pagpapaganda ng itsura ng crib. Kahit na pwede itong paglaruan ni baby, delikado parin ito sa kanya dahil pwede siyang matusok o kaya malunok niya ang mga ito. 

Upang umiwas sa karagdagang gastos, panatilihin lamang simple ang crib ni baby at lagyan na lamang ng kumot o unan – mga bagay na kailangan talaga. 

25. Maghanap ng mga Coupons, Discounts, o Promo Para sa mga Baby Products

Laging tumataas ang presyo ng mga groceries kagaya ng gatas, diaper, baby food, at iba pa. Kahit gusto natin magtipid, mas gugustuhin pa rin natin bumili ng mga kalidad na produkto para sa ating anak. 

Kahit bagong nanay ka palang, kaya mo rin ito gawin basta’t ikaw ay may diskarte. Maari kang makahanap ng mga promo o coupons para mabawasan ang presyo ng iyong mga bilihin. Pwede ka tumingin sa mga online shops o websites para dito. Sa pamimili naman sa mga supermarkets, maari kang mag-abang sa mga sale o kapag may mga discounts silang ibinibigay. Importante na maging updated ka sa mga ganitong bagay upang makatipid. 

26. Huwag nang Gumastos sa Pagpapaayos ng Nursery sa Inyong Bahay 

Di kailangan ni baby ng isang malaking kwarto para sa kanyang sarili. Maari mo nalang ilagay ang crib ni baby sa sarili niyong kwarto o kaya naman sa sala nalang.  Mas nakabubuti sa relasyon niyong mag-ina kapag mas malapit ka sa kanya, imbes na mag-isa si baby sa isang kwarto o nursery. Bukod sa bawas gastos sa pagpapagawa, pwede mong ipunin ang perang nakalaan dapat sa nursery at gamitin ito sa mas kakailanganin mo kapag lumaki ang iyong anak. 

nanay at baby sa kama
Source: Pexels

27. Makipag-bonding Sa Iyong mga Kumare, Maari rin Silang Makatulong Sa’yo

Kung may mga kaibigan ka na bagong mommy rin, pwede kayo mag-bonding paminsan-minsan dahil makatutulong ito para mapadali ang experience niyong dalawa. Pwede itong kaibigan, tiyahin, kamag-anak. Kahit simpleng merienda kasama si baby, paglalakad sa park o kung saan man, ito ay maganda upang gumaan ang pakiramdam mo.

Huwag matakot kausapin sila at humingi ng tulong, panigurado ay may maibabahagi sila sa’yo. Maganda rin itong libangan at mas magiging komportable kang pag-usapan ang mga bagay-bagay tungkol sa pagiging bagong nanay. 

28. Huwag Nang Mag-abala sa Pagbili ng Burping Cloths

Kung ikaw ay nagbabalak bumili ng burping cloths, pwede kang gumamit ng ordinaryong hand towels o washcloths na lamang. Kaysa bumili pa ng bago, mas maganda itong gamitin dahil multi-purpose ito. Ito ay mas malambot rin kumpara sa mga comercially-made na burping cloths. 

29. Umiwas sa Paggastos sa mga Special Baby Products na Hindi Naman Kinakailangan

Normal lang na maakit tayo sa mga nakikita nating produkto sa mall o kaya sa mga online websites. Madalas ay napapabili tayo ng mga gamit na mukhang maganda ngunit hindi talaga natin kailangan. Patok sa mga ina ang mga baby toys, mga finger foods, at iba pa na mas mahal ang presyo dahil lang sa brand nito. 

Kontrolin ang sarili at laging tatandaan na ilaan ang pera sa mga mas importanteng bagay. Kung may ordinary version naman, bakit hindi na lang yun ang bilhin, ‘di ba?

30. Magpahinga at Magbigay Oras Para Sa Iyong Sarili

Nakaka-apekto rin ang pagod at stress sa paggastos. Minsan hindi na natin namamalayan na marami na tayong nasasayang na pera dahil masyado tayong busy. Bilang nanay, kailangan mo ring magpahinga at mag de-stress paminsan-minsan. Mahalagang pagtuunan mo rin ng pansin ang sarili mo para mag-ipon ng lakas. 

Kung ikaw ay may asawa, ugaliin ninyo na magtake turns sa pag-aalaga at pag-aasikaso kay baby. Sa mga single mommies naman, huwag mahiyang humingi ng tulong sa iyong kamag-anak o kaibigan, para naman makapag-relax ka kahit minsan. 

Deserve rin ng mga mommies magpahinga, para rin ito sa ikabubuti ng inyong baby. 

Source: Flickr

Ang pagiging ina ay isang mahirap na tungkulin, pero malaking kasiyahan at karangalan ang dinadala nito sa ating buhay. Ang mga nanay ay nagsasakripisyo para sa kanilang mga anak para sa ikabubuti nila. Kaya’t napaka-importante na matutunan ang pag-budget ng pera upang makatipid sa pang-araw araw na gastusin. 

Wag mag-alalala, trial and error din ang pagtitipid sa kalagayang ito. May mga paraang gagana para sa ibang nanay, at meron din namang hindi angkop sa sitwasyon mo. 

Magastos ang pagkakaroon ng isang anak, pero hindi ito dapat maka-epekto sa kalidad ng pag-aalaga natin sa kanila. Kapag marunong tayo magtipid, magkakaroon tayo ng sapat na budget. Kapag sapat ang budget natin, mayroon tayong “feeling of security” na nakakabawas sa ating stress. 

Kaya naman mga mommies, alalahanin na kahit magastos at nakakapagod ang pagiging bagong nanay, maari itong maging madali basta tuloy-tuloy lang sa pagtitipid! Bukod pa rito, importante rin na iparamdam mo ang pag-aaruga at pag-aalaga sa iyong baby. 

Kausapin, yakapin, at ipakita mo sa kanila ang iyong pagmamahal. Bigyan mo ang iyong anak ng sapat na seguridad at mabuting kalusugan. Ang mga simpleng bagay na ito ay walang halaga.

Leave a Comment