tatay

Gabay Para Sa Mga Soon-To-Be-Tatay: Mga Paraan Upang Masuportahan Si Misis Sa Pagbubuntis

Bilang isang soon-to-be-tatay, panigurado ang iba’t ibang emosyon ang nararamdaman mo ngayon. Nariyan ang magkahalong kaba at excitement, pati na rin ang pagkaaligaga sa pag-aasikaso kay misis. Kung ganiyan na kalito ang nararamdaman ng isang magiging tatay, paano pa kaya ang mga nanay na nabubuhay na ngayon para sa dalawa? Siyam na buwan nilang dadalhin sa sinapupunan ang baby na bunga ng inyong pagmamahalan. 

Ilan lang sa mga nararanasan ng isang buntis ang pagiging: emosyonal dala ng raging hormones, labis na pag-iisip at pag-aalala, at stress dala ng mga pagbabagong nangyayari sa kaniyang katawan. Dahil mas vulnerable sa stress at anxiety ang isang buntis, malaking ginhawa ang pagkakaroon ng isang taong mahuhugutan niya ng lakas at suporta.

Normal lang na maging challenging ang pagbubuntis para sa isang mag-asawa—lalo na sa unang pagbubuntis. Para sa partner ng isang nagdadalang-tao, kailangan ng puspusang pasensiya at pang-unawa sa panahon na ito. Importante ring maging involved ka sa mga preparasyon na kailangan para sa pagdating ni baby. 

Bilang magiging tatay ng baby sa tiyan ni misis, ano ang mga pwede mong gawin para suportahan ang kaniyang pagbubuntis?

Mag-research Tungkol Sa Pagbubuntis

Sa panahon ngayon, madali na lamang makakuha at makapag-access ng mga resources tungkol sa pagbubuntis. Maaari kang magbasa-basa sa mga libro at magazine pati na rin sa mga parenting forums at websites. Dito, malalaman mo ang lahat ng mahahalagang impormasyon mula sa first trimester hanggang sa period ng labor. Marami ring resources na makatutulong sa preparasyon mo sa pagiging tatay.

Dahil mas involved ang nanay sa pagbubuntis, kadalasan hindi gaanong maalam ang mga tatay sa mga importanteng detalye patungkol dito. Subalit sa kahit ano mang bagay—mainam na ang may alam.

Kung may sapat kang kaalaman tungkol sa kalagayan at karanasan ng buntis at ni baby, mas malaki ang maiaambag mong suporta. Maaari mo ring mai-apply agad ang mga nakalap mong impormasyong para sa kapakanan ni misis. Sa ganitong paraan, makatutulong ang mga tatay sa paggawa ng mga crucial na desisyon sa period ng pagbubuntis ni nanay.

Tatay, Asahan Ang Mga Pagbabago

Ang umpisa ng pagbubuntis ang pinakamahirap na challenge na kailangang malampasan ng isang mag-asawa. Kung nage-expect na kayo ni misis ng baby, ang initial preparation na pwede ninyong gawing ay paghandaan ang mga pagbabago. 

Hindi lang pisikal na sintomas ang dala ng pagbubuntis. Halimbawa, maaaring ang mga paborito niyang bagay noon ay hindi na niya ngayon gusto at vice versa. Mas madalas na magiging emosyonal at hindi maganda ang pakiramdam ni mommy lalo na sa una at huling trimester. Ang emotional rollercoaster at mood swings na ito ay normal na pinagdadaanan ng isang nagdadalantao. 

 

Mahalagang maglaan ng mahabang-habang pasensiya sa panahon na ito. Mahirap mang gawin ay kailangan mong intindihin ang isang buntis sa mga ganitong bagay. At bilang magiging tatay, maihahanda ka rin ng experience na ito kung paano mag-handle ng mga unpredictable na chikiting.

Bigyan Siya Ng Space At Sapat Na Pahinga


Source: PickPik

Dahil kumikilos na siya ngayon para sa dalawa—pati ang sanggol sa sinapupunan—apektado ang energy level ni mommy. Kung dating sobrang hyper at energetic ng iyong asawa, mag-expect na mababawasan ito.

Habang lumalaki ang kaniyang tiyan, pababa ng pababa ang energy ni mommy at mas mabilis na siyang mapagod. Mapapansin ito lalo na sa first at last trimester ng pagbubuntis kung saan pinakasensitibo ang isang babae.

Ang dapat mo lang gawin bilang partner at tatay ay—maging maunawain. Alukin mo siya ng pagkain from time-to-time at lagi mo siyang tanungin kung ano ang nararamdaman niya. Kapag sinabi niyang gusto niyang mapag-isa at kaya na niya, bigyan mo siya ng space. Kailangan nila ng space na ito para huminga at mapagaan ang kanilang dinadala.

Maiging matutong makiramdam upang hindi lalong madagdagan ang stress ng isang buntis.

Dagdag pa rito, kailangan ng mas mahabang oras ng pahinga ang isang buntis. Malimit mag-multi-task ang kababaihan pagdating sa mga gawain, kaya naman hindi nakakagulat na nagiging doble ang exhaustion nila. Sa mga tatay, hayaang makatulog at makapagpahinga nang sapat ang inyong asawang buntis. 

Cravings At Paglilihi


Source: Flickr

Asahan na ang madalas na random cravings ni misis na kailangan mong takbuhin sa grocery o sa restaurants kahit dis-oras ng gabi. Oo, out-of-nowhere bigla siyang magpapabili ng fried chicken, isaw, mangga (na may bagoong!), at kung ano-ano pang pagkain. 

Magiging mas maselan din ang buntis sa pagpili ng pagkain, dagdagan mo pa ng mas magiging sensitibong pang-amoy. Dahil ulit ito sa ang hormonal changes na nagaganap sa katawan ng isang babae buhat ng pagbubuntis.

Maaaring ayawan niya maging ang pinaka-paborito niyang pagkain bago siya nabuntis. Sa kabilang dako naman ay pwedeng mag-crave siya sa mga pagkaing hindi niya naman kinakain noon. Hindi rin maiiwasan ang mga wirdong kombinasyon ng pagkain na ipabibili niya sa’yo, na mismong ikaw ay hindi mo masisikmura

Take note, huwag na huwag mong pipilitin ipakain sa kaniya ang pagkaing ayaw niya. Ganoon din na huwag mo siyang pipilitin kainin ang pagkaing ni-request niya sa’yo noon pero kalaunan ay tanggihan niya. Kung ipipilit ay pwede itong magdulot ng pagkahilo at pagsama ng pakiramdam para sa buntis. Mahalagang habaan ang iyong pasensiya kahit sa tingin mo ay irasyonal na ang mga kagustuhan ni misis.

Tatay, Samahan Si Misis Sa Check-Up


Source: PxFuel

Isa sa mga best and proven ways para masuportahan ni tatay si misis sa kaniyang pagbubuntis ay ang pagsama sa kaniya sa prenatal check-up. Sa prenatal check-up ninyo malalaman ang lahat ng impormasyon kailangan sa pagbubuntis. Ipaliliwanag din ng doktor in detail and kondisyon ni misis at kung may problema o komplikasyon man na na-develop. 

Sa mga check-ups din na ito nabibilang ang ultrasound na ginagawa upang makita ninyo ang paggalaw ni baby sa loob ng tiyan ni mommy. Walang katumbas na saya para sa isang tatay ang marinig ang unang heartbeat ng kaniyang anak.

Hangga’t involved ka sa mga check-ups na ito, malalaman mo kung ano ang dapat i-expect sa overall pregnancy journey. Kaya hangga’t maaari, gawin mo ang lahat ng makakaya mo para masamahan si misis sa mga appointments na ito.

Kung may pagkakataon talaga na hindi ka pwede o hindi pasok sa schedule mo, siguraduhin na mayroong sasamang iba kay misis. O hindi kaya’y ihatid o sunduin mo man lamang siya papunta at pauwi galing sa clinic ng doctor.

Maging Involved Sa Pagpaplano 


Source: PxHere

Wala ng bagay na mas exciting pa para sa mga soon-to-be-parents kaysa sa pagpaplano para sa pagdating ng inyong magiging baby. Ito na ‘yung time kung saan mag-iisip kayo ng pangalan ni baby, pagbili ng mga bagong gamit, pagde-decorate ng kwarto, etc.

Siyempre, mahalaga rin na bigyan mo siya ng assurance sa mismong topic ng panganganak. Hindi madali ito kaya dapat ay napagkasunduan ninyo na ang mga steps na dapat gawin. Ito ang ilan sa mga tanong na dapat masagot habang maaga pa:

  • Vaginal birth o CS? 
  • Sino ang unang ico-contact in case na maramdaman ni misis na magle-labor na siya? 
  • Sino-sino ang mga dapat nasa labor room? At sino ang dapat nandoon sa ospital pagkapanganak niya? 
  • Magiging full-time mom na ba si misis ngayon, kung nagta-trabaho siya bago siya mabuntis? 
  • Kukuha ba kayo ng babysitter na mag-aalaga kay baby?

Malamang sa malamang ay nanaisin ng mga kamag-anak at kaibigan na magbigay suporta sa inyong dalawa. Ngunit, mahalaga na ang kapakanan at kagustuhan ninyong mag-asawa ang masusunod.

Dapat din na mapag-usapan nang maliwanag ang mga shift sa roles na ginagampanan ninyo sa bahay. Kailangan na magmeet kayo sa gitna sa magiging desisyon ninyo. Alwasys remember na mahalaga ang communication para mag-work ang anumang bagay.

Tatay, Umattend Ng Prenatal Classes


Source: PickPik

Malaki ang maitutulong ng prenatal classes para mapaghandaan ang labor at delivery. Sa mga klaseng ito, mate-train si misis at si tatay kung paano iha-handle nang maayos ang panganganak. Tinuturo rin dito ang ilang pain management techniques para sa smooth na delivery. Kadalasang integrated dito ang yoga at pilates.

Mae-encounter niyo rin dito ang tamang paraan ng contraction during labor. May mga class din na nagtuturo tungkol sa breastfeeding at family planning. Mayroon ding mga klase na ang focus ay sa newborn care at parenting 101. Hindi lang si nanay ang may kailangang matuto ng mga ito, dapat ay aware din si tatay sa mga ganitong bagay.

Bukod pa roon ay isa itong paraan para makapag-bonding kayong dalawa at palakasin pa ang inyong relasyon. Maipapakita mo rin ang full-support mo kay mommy sa proseso ng pag-attend sa prenatal classes.

Mag-plano Ng Baby Shower


Source: Pexels

Para maibsan ang first trimester sickness at ang discomfort na dala ng third trimester, bakit hindi ka magplano ng baby shower? Kadalasang ginagawa ang baby shower sa second trimester kung saan hindi gaanong emosyonal si misis kumpara sa first at third. 

Imbitahin mo ang malalapit ninyong kaibigan at pamilya. Huwag ka ring mahihiyang humingi ng tulong sa kanila sa preparasyon. Isipin mo na lang na parte ito ng training mo bilang isang tatay.

Pwede kang mag-isip ng isang specific na baby shower theme na alam mong magugustuhan ni mommy. Ihanda mo rin ang mga paborito niyang pagkain na pagsasaluhan ninyo. Kadalasan din sa mga baby shower ay nagdadala ng mga regalo para sa baby at kay mommy ang mga bisita. 

Siguradong matutuwa si misis kung sosorpresahin mo siya sa ganitong paraan. Isa itong way para makalimot si misis sa mga iniisip. Makakapag-bonding rin siya kasama ang mga loved ones ninyo na matagal hindi nakasama matapos ang ilang buwan ng maternity leave.

Tatay, Maging Considerate Kay Misis


Source: PxHere

Hanggang sa abot ng iyong makakakaya, maging extra considerate ka sa feelings ni misis. Maging extra sweet sa paraang kaya mo. Kahit sa simpleng pakikinig sa mga rants at worries niya ay mapaparamdam mo na ang assurance na nandiyan ka sa tabi niya,

Hindi maiiwasang magkaroon ng hindi pagkakaintindihan lalo na at mas sensitive siya sa panahong ito. Bilang magiging tatay ng anak ninyo, dapat ay mas maging malawak ang iyong pang-unawa. Palaging kumustahin si misis kung mayroon ba siyang dinadaing o may gusto siyang gawin. 

Habang lumalaki si baby sa tiyan ni mommy, mas humihirap para sa kaniya ang kumilos-kilos at tumayo-tayo. Katuwang nito ay dapat mas maging considerate ka sa paggawa ng mga gawaing bahay. Kung dati ay siya ang gumagawa ng halos lahat ng chores sa bahay, ngayon ang time para ipakitang kaya mo rin itong gawin para sa kaniya. Pwede mo siyang ipagluto, i-massage, o alalayan sa tuwing tatayo siya. Mga simpleng bagay pero napakalaki ng impact.

Iparamdam Ang Iyong Pagmamahal


Source: PxHere

Katulad ng nabanggit sa first part ng article, maraming bagay ang nagbabago sa katawan ng isang buntis. Sa period na ito ay maaaring bumaba ang tingin ng isang babae sa kaniyang sarili at maaaring makaapekto ito ng sobra sa kaniyang self-worth. Kahit pa normal na mag-gain ng weight at magmukhang haggard sa pagbubuntis ay maaaring maging part ito ng insecurities niya,

Bilang partner, marami kang pwedeng gawin para mapasaya at maparamdam ang iyong pagmamahal kay misis.

You could never go wrong sa pagiging sweet sa pananalita— i-shower mo siya ng compliments araw-araw. Make her feel like you’re dating all over again. Sa ganitong paraan, maiibsan kahit papaano ang mga insecurities na nabuo niya sa isip niya. 

Kung mahilig siya sa bulaklak, bakit hindi mo siya sorpresahin ng isang flower bouquet, kahit walang okasyon. Depende rin sa kaniyang kondisyon, pwede kayong lumabas para magdate at magspend ng time together sa labas. Sa pamamagitan ng mga ito, mas mararamdaman niya na espesyal siya para sa iyo.

Mahalagang sulitin ninyo bilang mag-asawa ang panahon na ito dahil kapag lumabas na si baby, sa kaniya na iikot ang mundo ninyong dalawa. Hindi maiiwasan na maging second priority na lang ang isa’t isa kapag naging nanay at tatay na kayo. Kaya hangga’t kaya ninyo ay mabonding kayo nang mas madalas at mas mahabang oras ngayon.

Maging Present Sa Labor At Delivery

Source: Pexels

Ito na ang pinakahihintay na panahon kung saan masisilayan ninyo na ang inaasam na anghel. Subalit, ito rin ang oras na makakaramdam kayong mag-asawa ng magkahalong tuwa at pangamba. Importanteng present si tatay sa time na maglabor na si nanay upang may mahugutan siya ng lakas. Kung nariyan ka sa tabi niya, mas kakayanin niya ang sakit hanggang sa tuluyang mailabas na si baby.

Dahil mas komportable ang asawa mo sa iyo, mas madali niyang maco-communiccate ang nararamdaman niyang sakit o discomfort habang nagle-labor. Kung kinakabahan ka sa mga oras na iyon, isipin mo na lamang ang tripleng kaba na nararamdaman ni misis. Minsan kasi ay may tendency na i-downplay ng mga buntis sa ibang tao ang sakit na nararamdaman talaga nila. 

Huwag na huwag mong maliliitin ang sakit na nararamdaman ni misis habang nagle-labor. Hindi mo man kayang alisin lahat ng sakit sa oras na iyon, pwede mo pa rin siyang masuportahan. Kaya naman sobra-sobra ang halaga ng pagiging present ng tatay sa labor at delivery. Hawakan mo ang kamay niya nang mahigpit at maging alert at mindful kung sa tingin mo ay may kailangan siya. 

Source: Wallpaper Flare

Lahat ng miyembro ng pamilya ay masaya sa pagdating ni baby pero, for sure si nanay at tatay ang pinakamasaya. Kung nandoon ka sa moment na iyon ay alam mong nakakaubos ng lakas at energy ang panganganak. 

Sa oras na iyon, ang nais lang ng isang ina ay mahawakan ang kaniyang anak—malayo sa gulo ng mundo at ng ibang tao.

Kung susundin ninyo ang payo na pagplanuhan kung sino ang dapat na nandoon kapag nanganak na, madali na lamang ang proseso. Hindi na magiging mahirap na tumanggi sa mga kaibigan o pamilya na gustong bumisita sa oras na iyon. Isipin mo na lang na moment ninyong mag-asawa iyon.

Walang kasiguraduhan na nakahanda na ang lahat ng gamit na kailangan sa pananatili sa ospital. Kaya naman responsibilidad mo bilang tatay na pumarito’t paroon mula sa bahay upang kuhanin ang mga mahahalagang gamit. Ilan sa mga kadalasang nalilimutan sa oras na tumakbo sa ospital ay mga pamalit na damit, gadgets, gamot, etc.

Suporta Pagkatapos ng Panganganak

Ang unang linggo at buwan matapos maiuwi sa bahay si baby ang pinaka-stressful at pinaka-nakakapagod na period sa buhay magulang. Malaking adjustment ang mangyayari sa pagkakaroon ng bagong miyembro ng pamilya. Hangga’t maaari, i-minimize ang mga bagay na makakapagpa-stress kay mommy.

Kung nagbe-breastfeed si misis, pwede ka namang tumulong sa pagpapalit ng diaper ni baby. Ang pag-aako ng diaper duty ay malaking bawas sa load ng gawain ni misis, 

Dagdag pa roon, talagang hindi natin mahuhulaan kung kailan iiyak si baby sa kalagitnaan ng gabi. Ang isang mabuting paraan para magkaroon pa rin kayong dalawa ng sapat na pahinga ay magset ng shifting schedule. Pag-usapan kung sino ang naka-schedule na mag-aalaga at kung sino ang matutulog muna.

Kung araw naman at tulog si baby, bigyan mo ng time si mommy para sa sarili niya. Hindi biro ang pag-aalaga sa bata 24/7 kasabay pa ang pagpapadede. Kung kaya mo namang gawin ay ikaw na ang umako sa paglalaba, paglilinis, at pagluluto. Malaki ang mababawas na intindihin kay misis kung ikaw na mismo ang magvo-volunteer sa mga gawaing ito.

It will take some time para masanay kayo sa mga bagong routine na dala ng karagdagang miyembro sa inyong pamilya. Mas hihirap pa ito once na bumalik na sa regular na trabaho ang isa sa inyo matapos ang inyong maternity o paternity leave. Paulit-ulit naming sinasabi na habaan ang pasensiya dahil ito talaga ang kailangan ninyo bilang nanay at tatay sa panahong ito. Mahahanap at mahahanap ninyo rin ang routine na magwo-work para sa inyo.

Kung namimiss ninyo naman ang sexy time together, mainam na kausapin ang doctor ni misis para malaman kung kailan kayo pwedeng magtalik ulit. Tandaan na pwedeng mabuntis agad ang isang babae kahit kapapanganak pa lamang nito. At this time, mahalagang pag-usapan ninyo nang maigi at magkasundo sa family planning. 

Dahil napagdaanan niyo na ang proseso ng pagbubuntis ni misis, mas alam ninyo na ngayon kung gaano ito kahirap at hindi ito biro.

Huwag Kakalimutan Ang Sarili


Source: Pexels

Panghuli—at pinakamahalaga—huwag mong pababayaan ang sarili mo. Stressful man pero hindi ito dapat maging hadlang sa iyong physical, mental, at emotional health. Huwag ninyo ring hayaan  na maging daan ang pagbubuntis upang lumayo ang loob ninyo sa mga taong mahal ninyo. Minsan ay kailangan ninyo rin ng time na hindi magkasama upang hindi kayo ma-overwhelm sa presence ng isa’t isa.

Sa gitna ng mga nangyayari habang nagbubuntis ang iyong misis, humanap ka ng bagay na makakapagbigay enjoyment sa iyo. Pero tandaan na hindi mo dapat na malimutan ang responsibilidad mo bilang tatay dahil doon. Balance is always the key.

Ano ang mga pwede ninyong gawin para maalagaan ang sarili? Ilan lamang ito sa mga bagay na pwedeng makapagpa-unwind sa utak ng isang nanay at tatay:

  • Mag-exercise regularly.
  • Matulog at kumain sa tamang oras.
  • Magpa-full body massage.
  • Maglakad-lakad sa labas.
  • Magpatugtog ng soothing na music.
  • Magbasa ng mga self-help books.
  • Makinig sa mga parenting podcasts.
  • Magsulat ng journal.
  • Magtanim. 
  • Mag-take ng litrato ng isa’t isa at ni baby para sa memories.
  • Mag-schedule ng time with friends or family.
  • Mag-engage sa bagong hobby.
  • Take a break sa paggamit ng mga gadgets at social media.
  • Kumain ng paborito mong pagkain.
  • Relax.

Handa Ka Na Maging Tatay!


Source: Wallpaper Flare

Sabi nga nila, “A good father starts with respecting your child’s mother.” Dapat marinig ito once sa buhay ng lahat ng tatay. Magiging guide ito sa kung paano ka magiging mabuting partner at ama—ang mga role sa buhay na hinding-hindi mapapalitan nino man.

Mula sa pagtulong sa mga gawaing bahay na dating ginagawa ni misis, sa pagsama sa appointment sa doctor, at pagtulong sa anumang bagay—marami kang pwedeng maitulong sa pagbubuntis ng iyong partner. 

Talagang maraming responsibilidad ang kaakibat ng pagiging tatay. At para sa ikabubuti ni baby at ni misis, mahalagang maging handa at magampanan mo ang mga ito nang maayos. Dahil tapos na ang phase mo bilang isa binata, dapat ay mapanindigan mo ang role mo bilang asawa at tatay sa inyong anak.

Mahalaga na nariyan ka simula sa unang punto ng pagbubuntis ni misis, hanggang sa oras ng ipanganak na si baby. Ang impact na dala nito ay tatagal hanggang sa pagtanda ninyong mag-asawa. Maaari ninyo ring mapatibay pa ang inyong samahan bilang mag-asawa o magkabiyak sa journey na ito.

Sa oras na lumabas na si baby, mapapawi ang lahat ng pagod at hirap na naranasan ninyong mag-asawa. At wala ng makakatumbas pa sa pakiramdam na mahawakan at masilayan ang anak na hinintay ninyo nang matagal na panahon.

Sana’y nakatulong ang Preggy To Mommy sa lahat ng mga soon-to-be-tatay sa pamamagitan ng article na ito! Congratulations and good luck!

FAQs

Ano ang kahulugan ng tatay?

Ano ang kahulugan ng tatay sa Ingles?

Ano ang mga laro para sa tatay?

Ano ang mga brand para sa tatay?

Paano binibigkas ang salitang tatay?

Ano ang mga gitara para sa tatay?

Ano ang mga container para sa tatay?

Ano ang mga clipart na may kinalaman sa tatay?

Kathy Urbanski

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *